Junver & Khaye
Ako ang ina at ikaw nga ang ama,
Sa bahay-bahayang ako lagi ang bida,
Nakakaaliw balikan ang mga araw na kay saya,
Sa ganito nga nagsimula ang aming istorya.
Magpanggap na magasawa sa bahay na yari sa tela,
Ikaw nga ang aking sandigan,tagapagtanggol at kapareha,
Kasama ang iba pa na gumaganap na anak ng bida,
Nuon pa ma'y masayang tahanan ang pinangarap nating dalawa.
Ngunit sinubok tayo ng malikot na kapalaran,
Ng kinailangan mong lumayo at mangibang bayan,
Pangakong pag-ibig na aking pinakaingatan,
Lumao'y akala ko'y ating na ngang nakalimutan.
Iba't ibang kwento ng buhay ang ating nasaksihan,
Bawat aral sa nagdaang panahon ang ating natutunan,
Tumibay sa hirap at pagod na ating pinagdaanan,
Lalong lumago sa ligaya at saya na dulot ng mga naranasan.
Sa paglipas ng kulang-kulang dalawang dekada,
Hindi mo aakalaing muli pa ngang magkikita,
Matapos subukin ng mapaglarong tadhana,
Heto at gagawa na nga ng kwentong bago na ang tema.
Naniwalang lahat lamang ay pawang mga biro,
Ng mga inosenteng bata at musmos na puso,
Hindi sukat akalain na maaring magkatotoo,
Na darating ang araw na magiging ikaw at ako.
Ang pag-ibig na hinahanapan ng marangyang kandungan,
Sa piling ng bawat isa lamang namin pala matatagpuan,
Kung ano pa ang susunod sa kwentong inyong nasaksihan,
Maykapal lamang ang nakakaalam,kaya iyo na lamang subaybayan.
No comments:
Post a Comment